HINDI PA PASKO
![](https://static.wixstatic.com/media/6a0dd2_f145d9056d014367a927108a1f18f871.gif/v1/fill/w_461,h_335,al_c,pstr/6a0dd2_f145d9056d014367a927108a1f18f871.gif)
"Maligayang bagong taon." Bagong taon na sa kalendaryo ng Simbahan. Ang panahong ito ay tinatawag nating “adbiyento”, ang panahon ng paghihintay at paghahanda. Nagmula sa salitang Latin na "adventus" na ang ibig sabihin "pagdating”. Kaya nga kung may darating, may naghihintay. Ito'y paghihintay at paghahanda: una, sa pag-alala sa pagdating ng Panginoon mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan doon sa bayan ng Betlehem. Ang adbiyento ay paghahanda sa kapaskuhan kung saan ang unang pagdating ni Hesus ay ginugunita. Ikalawa ay nakatuon ang ating isip sa muling pagbaballik ng Panginoon sa wakas ng panahon.
Kaya nga, sa unang linggong ito ng adbiyento, mapapansin natin na ang mga pagbasa ay may tema ng "paghihintay". Sa unang pagbasa mula sa aklat ni Propeta Jeremias (33:14-16) inilaarawan ang nalalapit na pagdating ng iningangakong mesias na magmumula sa lipi ni haring David. Sa ikalawang pagbasa (I Cor 1:3-9), ipinapahayag ni Apostol San Pablo ang isang paalala sa mga taga-Tesalonica (1 Tes 3:12-4:2) na ang isang paraan ng tunay na paghahanda sa muling pagbabalik ng Panginoon ay ang pananatiling nagmamahal sa kapwa, banal at walang kapintasan sa harap ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagdating. Sa Ebanghelyo (Lk 21:25-28, 34-46) naman pinapaalala ni Hesus na manatiling handa sa pagdating ng takdang oras na walang nakababatid kundi ang Diyos.
Nakakalungkot mang isipin, ngayong panahon ng adbiyento, na taun-taon nating ginugunita, tila dumadaan na lamang ito at hindi natin tunay na nababatid ang kahalagan sa ating buhay bilang mga Kristiyano. Marami na sa atin ang hindi na nauunawaan ang panahon ng adbiyento. Batid man natin o hindi, tayo ay nadadala na ng takbo ng lipunang ating ginagalawan. Ang panahon ng adbiyento ay nagiging panahon na ng pamimili at pagdedekorasyon para sa pasko kung saan tayo'y nawawalan na ng panahon para tunay na ihanda ang ating kalooban sa pagdating ng Panginoon. Masyado tayong nadadala ng mga panlabas na paghahanda sa kapaskuhan (externalism) at at ang paggamit ng panahong ito ng Simbahan ng mga pansariling interes ng business sectors para kumita (commercialism). Let us remember that Advent season is preparation for Christmas but never an anticipated Christmas! Ang pasko ay magsisimula pa lamang sa gabi ng ika-24 ng Disyembre at matatapos sa Kapistahan ng pagbibinyag sa ating Panginoong Hesukristo. Ang nagyayari sa ngayon, pagkatapos ng ika-25 ng Disyembre, nawawala na ang tunay na pagdiriwang ng pasko. Huwag tayong manguna, matuto tayong maghintay! Unawain nating mabuti ang ating ginagawa!
Sa pasimula ng unang linggo ng kalendaryo ng Simbahan, inaanyayahan tayo na muli nating ibalik ang ang nawawala nang diwa at kahulugan ng Adbiyento. Imbis na nagpapatutog na tayo ng mga awiting pamasko, ibalik natin ang mga awiting pang-adbiyento na may tema ng paghihintay at paghahanda. Magdekorasyon tayo hindi ng mga dekorasyong pangpasko kundi ng mga dekorasyong pang adbiyento. Higit sa lahat, huwag nating kalilimutan ang paghahanda ng ating sarili sa pagdating ng Panginoon. Isang paraan ay ang pangungumpisal.
Sana maging bahagi ka nang pagbabalik ng diwa ng adbiyento sa halip na magpadala sa takbo ng mundo. Sana sa taong ito, maranasan mo at maipakita ang tunay na kahulugan ng panahong ito. Tandaan mo, hindi pa pasko. Ngayon ay panahon ng adbiyento, panahon ng paghihintay, panahon ng paghahanda!